Friday, December 11, 2009

Preparing to Spend a Meaningful Christmas Alone and Away from Loved Ones

------------------------------------------------------------------------------------------------
PASKONG NAG-IISA

by Evangeline S. Alianan-Bautista, M.A.
PsychConsult, Inc.

Ang panahon ng kapaskuhan ay isa sa mga mahahalagang kapistahan, kundi man pinakamahalaga, para sa ating mga Pilipino. Ito ay kadalasan nating pinagdiriwang kasama ang ating mga mahal sa buhay, lalong lalo na ang ating pamilya. Maraming nagsasabi na ang Pasko sa Pilipinas ay katangi-tangi at walang kaparis saan man sa mundo. Kaya naman, para sa isang OFW, ang malayo sa pamilya sa panahon ng Pasko ay tunay na sanhi ng kalungkutan at lumbay.


Bagaman hindi natin maaasahang tuluyang mapawi ang nadaramang kalungkutan, mayroong mga bagay-bagay tayong maaaring gawin para maibsan ang nadaramang lumbay. Mahalagang magkaroon tayo ng mga magagandang bagay na maaring asahan sa mga araw na ito. Sabi nga, Find something to look forward to.

Una sa lahat, mainam na magkaroon ng plano kung paano makipag-uugnayan sa ating mahal sa buhay. Maaaring ito ay sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono o pagkonekta sa email o internet. Mabuting planuhin ito ng maaga lalo na kung may kahirapan ang mga paraan ng komunikasyon sa ating lugar, sa lugar ng mahal sa buhay sa Pilipinas o sa pinaglulunan ng OFW. Habang maaga ipa-alam sa mga mahal sa buhay kung paano nais silang maka-piling (telephono man o internet), kung anong araw at oras. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang sama ng loob o frustration na madarama kung tumawag man at wala ang nais makausap.

Maaari ring iparating ang ating pagmamahal sa pagpapadala ng regalo. Hindi naman kailangang marami o marangya ang ibigay, mahalaga lang na ipadama ang presensiya kahit na nasa malayo. Sa ngayon ay marami ng paraan para magawa ito. Maliban sa pakikisuyong magpadala ng pasalubong sa mga umuuwing kababayan, pwede na ring magpadala sa courier (gaya ng DHL, UBS o FEDEX). Mayroong ring mga sari-saring websites sa internet kung saan pwedeng pumili, bumili at magpa-deliver ng regalo saan man sa mundo.

Maliban sa pakikipag-ugnayan sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas, mahalaga ring makahanap na ibang support system ang OFW sa lugar na kanyang ginagalawan. Kasama rito ang mga kaibigan, ka-trabaho, ibang mga Pilipinong OFW rin, mga grupo sa simbahan, o di kaya ay ibang mga kamag-anak, malapit man o malayo. Makipag-ugnayan sa kanila. Kung ang ating mga kaibigan ay magso-solo rin, maaaring gumawa ng plano kung paano sama-samang ipagdiriwang ng kapaskuhan. Halimbawa, maaaring gumawa ng salu-salo para sa mga OFW ng lugar. Huwag nang hintayin na maimbitahan, bagkus magkusa na at anyayahan ang ibang taong nakikita nating nangangailangan din ng kalinga at kasama. Sa bandang ito, ang kasabihang “the more, the merrier” ay naaayon.

Para naman sa mga taong hindi hiyang sa crowd o maramihang tao, subukang bigyan ang sarili ng treat at gumawa ng bagay na kakaiba sa mga araw ng Pasko. Marahil ay mayroong isang simpleng bagay na matagal nang pinagpapaliban, tulad ng panonood ng sine o kaya’y pagpunta sa beauty parlor. Kung mayroong panahon at pagkakataon, subukang mamasyal sa iba o bagong lugar. Ito ay maaaring tumukoy sa isang grandeng bakasyon sa malayu-layong lugar o dili kaya ay ilang oras na pagliliwaliw sa isang sulok na kinagigiliwan (tulad ng garden o park). Magbisikleta o kaya ay maglakad para tuklasin ang mga liblib ngunit interesanteng lugar sa loob ng bayang kinagagalawan. Ang traveling ay kadalasang nagpapalawak ng kaisipan at nagbibigay ng kakaibang pananaw sa buhay.

Para sa iba, ang pagsabak sa physical activity ay hindi lamang nakalilibang, kundi nakatutulong ding mabuhayan ang kalooban. Magsanay sa isang sport na matagal nang ninanais o gustong balikan. Magpraktis sumayaw o kaya ay kumanta.

Upang tunay na ipagdiwang ang diwa ng kapaskuhan, gumawa ng mabuting gawain (good deed) sa mga araw ng Pasko. Maski nag-iisa o nabibilang sa malaking grupo, napakaraming paraan para ipamahagi sa mga nakabababang miyembro ng lipunan ang biyaya ng Pasko. Halimbawa ay magpunta at magdulot saya sa isang bahay-ampunan o ospital. Pwede ring mag-volunteer sa mga NGO (Non-Government Organizations). Kung nabibilang sa isang grupo, maaaring hikayatin ang mga kasama na gumawa ng mas malaking proyekto. Tandaan ang kasabihan na, the joy of Christmas is in giving.

Yakapin at huwag ikabahala ang pag-iisa at pananahimik. Ang pag-iisa sa mga araw ng Pasko ay maaaring gamitin na pagkakataon para pagnilayan ang mga pangyayari sa ating buhay. Kadalasan, napakabilis ng takbo ng ating buhay kaya’t kay dali din nating malihis o mawala sa layunin o tunay na saysay ng ating buhay. Kung makatutulong, maaaring maghanap ng espesyal na lugar para mag-retreat. Ang pagiging malapit sa kalikasan ay kadalasang nakapagbibigay buhay. Ito ay refreshing at rejuvenating. Para naman sa iba, sapat na ang katahimikan ng sariling kuwarto para ilagay ang sarili sa retreat mood.

Sa pagkakataon ng pag-iisa, magandang balik-tanawin ang mga biyayang ating nakakamit. Sabi nga nila, count your blessings. Subukang isulat ang mga ito sa papel na maaari namang ipaskil sa isang prominenteng lugar na madali nating makita. Sa ganitong paraan, tayo ay mapapaalahanan sa mga magagandang bagay at biyaya na ating natatamo. Ang pagkakaroon ng mapagpasalamat na puso (a grateful heart) ay sadyang nainam na lunas sa kalungkutan at lumbay.

Huwag matakot na malungkot, ngunit huwag malunod dito.
Minsan kailangan lang natin tanggapin ang kalungkutan na bahagi ng buhay. Unawain na ang nadaramang lumbay ay makatutulong para lalo nating pahalagahan ang tunay na kaligayahan. Kung tayo ay nangungulila sa ating pamilya, ito ay sa kadahilanang tunay natin silang minamahal. Gayunpaman, maniwala na ang kalungkutan, gaano man kalalim, ay lilipas din. Hayaan ang sariling umiyak. Ngunit subukan ring maghanap ng taong maaaring makausap.

Ang kalungkutan ay tunay na di-kanais-nais, ngunit sa taong nakalampas dito, ito ay nagdudulot ng karunungan (wisdom) at tunay na pakikiramay (compassion), mga regalong naaangkop matanggap ngayong kapaskuhan.
-----------------

Submit your thoughts on preparing for Christmas by simply clicking on the word "comments" just below. Ask questions. Click on Magtanong sa Doktor or Magtanong sa Psychologist. Share your thoughts, feelings and experiences. Stay in touch!

Click to return to website: www.ofwparasapamilya.com
----------------
 
Web Design by WebToGo Philippines