Sunday, January 25, 2009

Love and the OFW

----------------------------------------------------------------------------------------------

Nagmamahal, OFW.
By Maria Andrea S. Tirazona
Associate Psychologist, PsychConsult, Inc.
Lecturer, De La Salle University, Manila

Hindi natin mapagkakaila na malungkot mawalay sa ating pamilya at mga minamahal. Bilang isang OFW, hindi lamang “culture shock”o pag-a-adjust sa bagong kultura ang kailangang harapin ngunit kalaban pa ang pakiramdam ng lungkot at pangungulila. Sa katunayan, maraming OFW ang nakakaranas ng mga sintomas ng depression, o kaya’t nagkakaroon ng kondisyon na ito, dahil sa dami ng pagbabagong pinagdadaanan nila. Buti nalang talagang malakas ang loob ng mga Pinoy at nahahanapan nila ng paraan para harapin ang mga pagsusubok na ito!

Isang mapanghahawakan ng mga Pinoy ang kanilang pagiging sociable o madaling makipagkaibigan. Bukod pa rito ang kakayanan ng mga Pilipino na makibagay sa mga taong nakakasalimuho niya. Kahit saan man macadam ang OFW, siguradong makakahanap siya ng kaibigan, kababayan man o hindi. Subalit, paminsan, itong pagiging palakaibigan ng mga Pinoy ay nagiging sanhi rin ng tinding lungkot, sakit at mas matinding pagsubok sa buhay.

Minsan kasi, dahil sa tindi ng pangungulila, hindi nila namamalayan na sila ay naghahanap ng magaaruga at kakalinga sa kanila. Dahil dito, may posibilidad na madaling mahulog ang loob doon sa isang taong nagpakita ng kagandahang loob at positibong atensyon sa kaniya, lalo ng sa mga single at medyo bata-batang OFW. Bukod dito, masasabing sa panahon ng maraming pagbabago na ito, ang isang tao ay nagiging higit na vulnerable o kaya’y tumitindi ang kanilang pagiging sensitibo at emosyonal. Ayon sa sikolohistang si Erik Erikson, ang mga young adult o ang mga taong bandang 20-35, ay humaharap sa developmental stage na tinatawag na Intimacy vs. Isolation. Sa bahaging ito ng buhay nila, higit na importante ang masagot ang tanong na “ako ba ay minamahal”?. Kung mapapansin natin, natataon dito sa mga edad na ito ang pagaasawa at pagsisimula ng pamilya. Ito ang nagiging pagtugon natin sa ating developmental needs sa buhay sa panahon na ito.

Bagama’t ang pagmamahal at paghahanap ng mamahalin ay isang normal na pangyayari sa lahat ng tao, ang pagwalay sa pamilya at pagalis sa ating tinatawag na “comfort zone” ay madalas nagpapatindi sa pangangailangang ito. Dahil dito, maaring lalong mapabilis ang paghulog ng loob ng isang tao sa iba habang naninirahan sa ibang bansa. Ayon sa mga social psychologists isang dahilan kung bakit tayo ay na-a-attract o napapaakit sa iba ay dahil sa tinatawag na proximity o propinquity. Dahil natutugunan nila ang pakiramdam ng pangungulila, tayo ay naaakit, o nabibighani. Bukod dito, sila ay malapit, madalas makasama at, ika nga sa Ingles, within your reach. Habang napapadalas ang pagkita ng dalawang tao, lumalaki ang posibilidad na magkahulugan ng loob ang mga ito. Subalit, minsan, masyadong mabilis mangyari ito, maging sa babae man o lalaking OFW. Ang problema dito, minsan hindi naman tunay na pagibig ang nabubuo, ngunit infatuation lamang. Ito ay marahil sa natutugunan lamang ng karelasyon ang pangangailangan ng pagkalinga at pakikisama.

Sa isang dako, isang dagdag na blessing ang makahanap ng mamahalin habang nanunungkulan bilang isang OFW sa ibang bansa. Bukod sa pagkakaroon ng kaagapay at karamay sa mga pinagdadaanan, sila ay maaring maging inspirasyon para mas lalong magsumikap para sa isang mas magandang kinabukasan. Higit pa rito ang kasiyahan na maibibigay ng partner na ito. Marami ang pinagpapala at nakakahanap ng asawa o partner sa buhay habang nasa ibang bansa, minsan foreigner pa ang napapangasawa.

Ngunit sa kabilang dako, habang maraming nakakaswerte sa pagibig, meron din mga nasasawi sa pagibig at ito ay maaring maging isang matinding pasakit sa nakakaranas nito. Oo, totoong sugal ang pagibig at walang garantiya dito, pero ang mga napapaibig ng masyadong mabilis ay mas mataas ang risk na hindi ito magtatagal. May mga pagkakataon na ang isang OFW ay mabilis mapaibig sa isang foreigner dahil sa kanilang taglay na karisma at kakayanang magbigay ng maraming magagandang bagay at oportunidad na hindi pa nila nararanasan dati. Lalo tuloy tumitindi ang kanilang pagiging kaakit-akit. Maari din na dahil sa pananabik sa mga bagay na pamilyar o kilala na, sa kapwa OFW mapaibig. Ika nga, “it takes one to know one“. Dahil pareho ang lenguahe, kaugalian, tradisyon at kultura, may mga kapwa OFW na nabubuo ang pag-ibig habang nagtratrabaho sa ibang bansa.

Subalit minsan, hindi nila alam ang tunay na pagkatao ng kanilang dinedeyt…minsan may lihim pala silang tinatago, gaya ng asawa. Hindi nila nalalaman hanggang huli na na sila pala ay nagiging kabit o mistress. May mga pagkakataon naman din na kahit nalalaman na may asawa’t mga anak na naiwan sa Pilipinas, dahil sa matinding kalungkutan, naiisip nalang na ipagpatuloy ang relasyon para mapawi ang nararamdaman.

Dagdag pa sa maaring maging sanhi ng pagkawasak ng isang pamilya ang pagkakaroon ng relationship, maging sa dayuhan o kappa OFW, hindi maipagkakaila na karugtong ng isang pagiibigan ang physical intimacy na karaniwang nauuwi sa isang sekswal na relasyon. Habang ito ay bahagi talaga ng isang relasyon, minsan dito nagsisimula ang mas malaking problemang pagdadaanan ng mga OFW, babae man o lalaki. May mga insidente na nabuntis ang isang OFW habang nasa abroad, tapos hindi ito napananagutan ng ama ng bata. Maari rin na dahil sa pangyayaring ito, hindi na masustentohan ng isang OFW ang pamilya na nasa Pilipinas. Tuloy, ang magandang oportunidad nung una ay nagkaroon ng konting bahid at nagbunga ng problema.

Paano ba maiiwasan ito? Siguro una, dapat maging mapagingat tayo. Iwasan natin ang masyadong mabilis na pagbuo ng mga relasyon. Kilalanin muna ng sapat ang mga potensyal na kasintahan at siguruhing pagmamahalan nga ang nararamdaman at hindi infatuation lang. Pangalawa, magiging mahalaga rin ang paghahanap ng mga pwedeng barkadahin habang nasa ibang bansa. Magplano kayo ng mga lakad o gimik para malibang at mabawasan ang lungkot. Pwede ring i-explore ang kapaligiran mo diyan. Pumunta ka sa mga pasyalan o tourist spots na malapit o kaya’y magsadya sa public library. Hindi ka lang malilibang, may matututunan ka pa. Sa kabuouan, siguro magtatapos ako sa paalala na i-enjoy niyo ng lubusan ang panahon na ito sa buhay mo, pero wag padalos-dalos sa pagdisisyon.
---------------

What do you think of "Love and the OFW"? Click on the word "comments" just below. Ask questions. Click on Magtanong sa Doktor or Magtanong sa Psychologist. Share your thoughts, feelings and experiences. Stay in touch!

Click here to set an appointment with the psychologists and doctors on our website.
Click to return to website: www.ofwparasapamilya.com

---------------

4 comments:

Unknown said...
This comment has been removed by the author.
Unknown said...

gud pm,lrey po ito ng seoul south korea.
Nagpapasalamat po ako sa inyong site na nag papaalala sa mga katulad ko na pamilyado na sa atin sa pilipinas na makaiwas sa mga relasyon na di karapatdpat na mangyari
sa ibang bansa lalu na sa sandali ng kalungkutan o
pagiisa. Sana po ay ipagpatuloy nyo pa ang pag
susulat o pag papayo ng tama at karapatdapat na gawin ng isang OFW lalaki man o babae upang makaiwas sa malaking problema na dulot ng maling relasyon na
magiging sanhi ng paghihiwalay ng mag asawa o
pag kasira ng pamilya.
Sana po ay marami pa ang makabasa nito na kamukha ko na OFW.
MORE POWER PO! sa OFWParaSaPamilya.Ipagpatuloy nyo po ang magandang hangarin ng inyong site.Marami pong salamat.
God Bless Us Always...

ofwparasapamilya said...

Hello Elrey,

Salamat sa comment mo! Itong mga comment na ito ay magpapakita sa amin kung nakakatulong itong mga articles na ito sa inyo. Pwede rin kayong mag suggest ng gusto ninyong pag-usapan ng mga future articles dito sa website. Thank you again!

Unknown said...

Hello po!sa article na "love and the OFW"magandang mabasa ito ng mga OFW'S na nakakalimot sa kanilang mga sarili.Tama po kayo,sa dahilang dito sa lugar na kinaroroonan ko,may mga kakilala akong nangyari sa kanila ang ganong situation,ang pakikipag relasyon na hindi naman tama para sa kanila.Ewan,bakit hindi nila makayang iwasan,samantalang pwede namang maiwasan,katulad ng sinabi nyo na;gumawa ng mga gimmics,at iba pang way's na ikalilibang ng mga sarili.At isa pa rito ang magandang mapaglibangan ay ang pagvovolunter sa Catholic Pilipino Community.Dito hindi ka lang basta malilibang,mapapalapit pa kay "LORD"Doon pwede nilang maiwasan ang matukso sa iba.Sa mga nakilala ko,at naging mga kaibigan,may ibang sinuwerte,at mayroon din namang hindi,sa dahilan na pabigla-bigla nilang mga maling pagdedesisyon,na nauwi sa hindi magandang relasyon ng kanilang buhay.Isipin natin ang buhay ay may hangganan,kaya isipin at ating tanggapin na malaki ang maitutulong ng mga taong nagbibigay sa atin ng mga advices,para sa ikabubuti at upang maging masaya at tahimik na buhay ng ating mga Pamilya.Salamat po!

 
Web Design by WebToGo Philippines